Opisyal nang binuksan kanina ang 7 Trumpets Furniture & Carpentry Business sa Brgy. San Jose, isang proyektong pangkabuhayan na naglalayong magbigay ng mas matatag na oportunidad sa mga benepisyaryo. Sa pamamagitan ng programang ito, binibigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan.

Bahagi ito ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na isinakatuparan sa pangunguna ni Chief Labor and Employment Officer ng DOLE Tarlac, Jose Roberto Navata, katuwang si PESO Manager Marlene Hipolito, at sa inisyatibo ni Mayor Noel Villanueva.

Dinaluhan ang paglulunsad ng mga miyembro ng 7 Trumpets, sa pangunguna ng kanilang presidente, Noel Dizon, pati na rin ng mga kinatawan mula sa DOLE Tarlac at PESO Concepcion, Tarlac. Dumalo rin si Mayor Villanueva, na nagbigay ng inspirasyonal na mensahe tungkol sa kahalagahan ng programang ito sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga manggagawa.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Villanueva ang mas malaking layunin ng proyekto.

“Maraming pagkakataon upang bumangon, from hopelessness to full of hope. Hindi tayo basta nagbibigay ng isda, tinuturuan natin silang mangisda. Ipakita ninyo na kaya ninyong paunlarin ang furniture and carpentry business na ipinagkaloob ng DOLE sa pamamagitan ng DILP at gawing tulay tungo sa mas matatag na kinabukasan”, sabi ni Mayor Noel Villanueva.

Ang proyektong ito ay may pondong ₱750,000 na ipinagkaloob ng DOLE at pakikipagtulungan ng LGU Concepcion, Tarlac. Higit pa sa pagbibigay ng kagamitan, ito ay isang hakbang patungo sa mas matatag at sustainable na kabuhayan para sa mga benepisyaryo.

#AksyonConcepcion#ConcepcionTarlac