Isang makasaysayang araw para sa mga empleyado ng Municipal Government of Concepcion ang ginanap kanina sa Matrimony Hall ng munisipyo sa awarding ng Certificate of Registration para sa CNA sa pagitan ng Concepcion Municipal Employees Association (COMEA) at ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Concepcion.
Ang nasabing CNA, na may Certificate of Registration No. 3288, ay pormal na inaprubahan ng CSC at epektibo mula Nobyembre 7, 2024 hanggang Nobyembre 6, 2027. Ang kasunduang ito ay sumasaklaw sa pagpapabuti ng kondisyon sa trabaho, benepisyo, at karapatan ng mga kawani, alinsunod sa prinsipyo ng pagkakaisa at pagsulong ng kapakanan ng mga empleyado.
Ito ay dinaluhan ng ilang mga COMEA officers at mga miyembro sa pangunguna ni COMEA President Eutiquio Pareña, Jr.. Naroon din sina Municipal Administrator Mr. Bienvenido Estrada at MHRMO Officer Flora Perez.
Pinangunahan naman ni Director II Maria Cristina Gonzales, Field Office ng CSC Tarlac sa seremonya ang pagbibigay ng parangal.
“Ang CNA ay isang importanteng dokumento. Hindi lahat ay nabibigyan ng ganito. Ito ay sumisimbolo sa inyong pagkakaisa at patuloy na hangaring maglingkod nang mahusay, hindi lamang sa inyong mga kababayan kundi pati na rin sa kapwa kawani”, aniya.
Pinasalamatan ni COMEA President Pareña ang lahat ng mga nakibahagi sa negosasyon para sa kanilang pagsisikap na maisakatuparan ang kasunduang ito. Pinuri naman ng mga opisyal ang kasunduang ito sa kanilang patuloy na dedikasyon at sa mahusay na serbisyo publiko.
Ang awarding ng Certificate of Registration ay isang mahalagang hakbang sa pagkilala sa mga karapatan at benepisyo ng mga empleyado, at inaasahang magdudulot ng positibong epekto hindi lamang sa workplace kundi sa buong komunidad ng Concepcion.