Matagumpay na nakamit ng Concepcion Super Health Center RHU IV ang akreditasyon mula sa Department of Health (DOH) bilang isang TB DOTS facility, pitong buwan lamang matapos itong ipasa sa bagong pamunuan. Ang tagumpay na ito ay patunay ng matibay na pangako ng sentro sa pagbibigay ng de-kalidad at abot-kayang serbisyo sa paggamot ng tuberculosis sa komunidad.
Ito ang ika-4 na RHU sa Concepcion na nagawaran ng TB DOTS accreditation matapos ang RHU I, RHU 2 at RHU 3.
Ang pagkilalang ito ay bunga ng masigasig na pamumuno ni Dr. Orgie I. Feliciano, tagapangasiwa ng pasilidad sa Brgy. Tinang, sa suporta nina Mayor Noel Villanueva at ni Municipal Health Officer Dr. Benjamin Bengco III.
Naging instrumental din sa pagkakagawad ng accrediation sa Concepcion Diagnostic Laboratory sa pangunguna ni Jullius Anusencion, at sa Provincial DOH Office Tarlac, sa tulong nina Jonar Dungca mula sa CLCHD-DOH Region Infectious Diseases Cluster III, Ms. Geliza Recede, Ms. Catherine Toledo, at ni Brgy. Tinang Chairman Norman Villanueva.
Hindi rin matatawaran ang dedikasyon ng mga kawani ng Concepcion Super Health Center kabilang ang mga dentista, pampublikong nars, medikal na teknolohista, pharmacists, sanitary inspector, encoder, mga utility worker, at barangay health workers na naging mahalagang bahagi sa tagumpay na ito.
Ang pagtatayo ng mga Super Health Centers, na binigyang-diin ni Senador Bong Go, ay may layuning dalhin ang serbisyong medikal sa mas malapit na lokasyon, lalo na sa mga malalayong lugar. Ang mga pasilidad na ito ay nagsisilbing medium-sized polyclinics na nagpapalawak sa kakayahan ng mga rural health units upang magbigay ng mas komprehensibong serbisyong medikal.
Ang bagong DOH accreditation ng Concepcion Super Health Center bilang TB DOTS facility ay isang patunay ng matagumpay na pagpapatupad ng inisyatibang ito tinitiyak na ang mga mamamayan ng Concepcion at mga karatig-lugar ay may akses sa dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Photo Credits to Municipal Health Office – Concepcion Tarlac