CONCEPCION, Tarlac — Pasado sa regional validation ang bayan ng Concepcion para sa Gawad KALASAG at special award para sa Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance. Next stop – national

Isinagawa ang Gawad KALASAG (KAlamidad at Sakuna LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan) Validation sa Bayan ng Concepcion ng mga Regional Validators na sina Katherine Estavillo, Morris Jan Auxillos, at Reymart Mangune.

Sa pangunguna ni Mayor Noel Villanueva at MDRRMO Concepcion Tarlac Head Ronald Bautista, malugod nilang tinanggap ang mga tagasuri sa Gawad KALASAG Validation 2023 para sa Seal and Special Awards for Excellence sa Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance.

Ang KALASAG na itinatag noong 1998, ay ang pamamaraan ng pagkilala at paggawad ng Pilipinas para sa iba’t ibang stakeholder na nagsusulong at nagpapatupad ng pagbawas at pamamahala sa panganib sa kalamidad, adaptasyon sa pagbabago ng klima, at mga programang tulong sa makatao na nagpoprotekta at sumasangga sa mga komunidad na may mataas na peligro laban sa matinding panganib.

Ang layunin ng Gawad KALASAG validation ay mabigyang pagkilala ang mga Lungsod at Munisipalidad sa buong bansa para sa kanilang pagsisikap at kahandaan sa panahon ng sakuna at tugon sa mga pangangailangan ng komunidad na nasasakupan.

Sa nakaraang taon isa ang Concepcion sa tatlong bayan na tumanggap ng pagkilala, kasama ang Pura at Tarlac City. Ang Concepcion ay nakakuha rin ng parangal noong 2019 at 2021. Walang awarding na naganap sa kasagsagan ng pandemya noong 2020. Sa taong ito, muli ang Bayan ng Concepcion ay na-endorso bilang kandidato para makatanggap ng panibagong parangal mula sa Gawad KALASAG.

Bilang pagtatapos, nag-iwan ng mensahe si Mayor Villanueva at sinabing: “We do not see Bagyong Egay as a curse but we see it as a blessings for our farmers. Pero ganoon pa man, palaging prepared ang ating MDRRMO Team sa lahat ng sakuna at kalamidad.”

Binigyang-pugay din nito ang MDRRMO team at iba pang opisyal sa kanilang sipag at dedikasyon sa kanilang serbisyo sa mga kababayan.

#AksyonConcepcion#ConcepcionTarlac#gawadkalasag2023