Nirepresenta ni Congresswoman Camille Villar si Senator Mark Villar na siyang nagbigay ng P5 milyon para sa ating mga kababayan sa tulong ng AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Ang mga kasalukuyang binibigyan ng ayuda sa Sports Complex ay nagmula sa bayan ng Concepcion, Capas, Bamban, at La Paz o sa ikatlong distrito ng Tarlac.

Kasamang sumalubong kay Congresswoman Villar sina Congressman Noel “Bong” Rivera, Mayor Noel Villanueva, SB Carlo Avena, SB Boy Mandal, SB James Villanueva at si SB Jayson Lagman.

“Bagamat dumaan ang Bagyong Carina, pero dahil maraming nagmamahal sa bayan ng Concepcion, hindi tayo nakakalimutan, kaya sa katauhan ng isang Villar, sa 3rd District ng Tarlac may 1,460 individuals ang mabibigyan ng ayuda na P3,000. Saling abyas at groceries pangangailangan sa bahay o sa mga anak nating mag-aaral. Mahalin natin yung nagmamahal sa atin,” sabi ni Mayor Villanueva bilang mensahe sa mga beneficiaries.

Pinatotohanan naman ni Cong. Rivera ang pagiging matulungin ng pamilyang Villar.

“Ang mga Villar hindi lang ito ang best time na tumulong sa atin, noong 2023 lumapit ako Kay Sen. Cynthia na nagbigay ng P5 million para sa bayan ng Capas at P5 million para naman sa mga taga Bamban. Sumunod si Sen. Mark Villar na nagbigay rin ng ayuda. Pangatlo ngayon si Congresswoman Camile Villar, taun-taon tumutulong po sila sa ating distrito. Sila po ang laging maaasahan napakadaling lapitan. Kaya sa laban niyo, laban na rin namin,” sambit ng Kongresista ng Tersera Distrito ng Tarlac.

Maligaya namang ibinahagi ni Congresswoman Camille Villar ang bilin sa kaniya ng kaniyang tatay.

“Bilin ng aming tatay na huwag kalimutan ang mga kaibigan, ang mga nangangailangan tulungan natin sila. Itong konting tulong na ibibigay ngayong umaga ay simula pa lamang. Ang aming pamilya ay tutulong at magtatrabaho para makabalik kami taun-taon, hindi lamang sa Concepcion kundi sa buong lalawigan ng Tarlac.

“Sana magkaroon pa tayo ng ibang pagkakataon na muling magkikita tayo. Pagsisipagan ko po at ng aming pamilya, dahil ang pamilya po namin ay lubos na nagpapasalamat sa inyo sa laging pagsuporta po ninyo sa amin,” pasasalamat ni Cong. Villar.

#AksyonConcepcion #ConcepcionTarlac