Simula sa Hulyo 15, 2024 (Lunes), magsisimula na ang house-to-house na pagbisita ng mga enumerators para sa census ng populasyon sa ating bayan ng Concepcion, Tarlac. Ang pagsasagawa ng census na ito ay bahagi ng POPCEN-CBMS 2024, na naglalayong makuha ang eksaktong bilang ng populasyon at masuri ang kalagayan ng mga komunidad sa buong bansa.
Ang mga enumerators na magbibigay ng serbisyo ay nakapagsanay sa ilalim ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang matiyak ang kanilang kahandaan at kaalaman sa tamang proseso ng pagkuha ng datos. Mahalaga ang papel ng census na ito upang makapagbigay ng tamang impormasyon na magagamit sa paggawa ng mga polisiya at programa ng pamahalaan na makakatulong sa pag-unlad ng ating bayan at sa buong bansa.
Para sa kaligtasan at kapanatagan ng lahat, ang mga enumerators ay magsusuot ng opisyal na ID at uniform na inisyu ng PSA. Mangyaring pakisigurado na ang inyong impormasyon ay maingat na ilalahad at ibabahagi sa mga awtorisadong tauhan lamang.
Hinihikayat ang lahat ng residente ng Concepcion na makibahagi sa census na ito. Ang inyong pakikiisa ay mahalaga upang makamit natin ang layunin ng isang komprehensibong pag-aaral at makatulong sa pagpapabuti ng ating mga komunidad.
#AksyonConcepcion #ConcepcionTarlac