Naging masaya at makulay ang ginanap na laro ng lahi sa Benigno S. Aquino National High School (BSANHS) kanina. Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Tourism Office ng munisipyo sa pakikipagtulungan ng mga guro ng MAPEH sa BSANHS.

Aktibong nakilahok ang mga mag-aaral mula sa ika-8 baitang, na nagpakita ng kanilang husay at sigla sa iba’t ibang tradisyonal na laro. Kabilang sa mga laro ay ang palosebo, tug-of-war, sack race, touch ball, at patintero.

Ang kaganapang ito ay nagbigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na hindi lamang maglaro kundi makilala at mapahalagahan ang mga tradisyonal na larong Pilipino. Nakatulong din ito upang palakasin ang samahan at pagkakaisa sa pagitan ng mga mag-aaral at mga guro.

Sa tug-of-war, ipinamalas nila ang kanilang lakas at teamwork sa paghila ng lubid. Samantalang sa sack race naman, nagpakita sila ng kasanayan sa pagtalon habang nasa loob ng sako. Sa kabilang banda, pabilisan at paliksihan ang naging labanan sa patintero at touch ball upang hindi mahuli. Sa palosebo, nagpakitang-gilas ang mga kabataan sa pag-akyat sa poste upang makuha ang bandila sa tuktok.