Sa ika-82 taon ng Araw ng Kagitingan, buong puso nating ipinagdiriwang ang araw na itinakda para sa pagpaparangal sa kadakilaan ng mga beterano. Sa tema na ‘Pagpaparangal sa Kagitingan ng mga Beterano: Saligan ng Nagkakaisang Pilipino, binibigyang-diin natin ang mahalagang papel ng kanilang tapang at sakripisyo sa pagbubuo ng ating bayan.

Sa bawat laban na kanilang hinarap, sa bawat patak ng pawis at dugo na kanilang inialay, sila ang nagturo sa atin ng halaga ng pagmamahal sa bayan at katapangan. Ang kanilang kagitingan ay hindi lamang alaala sa nakaraan, bagkus ito’y patuloy na nagbibigay inspirasyon sa atin upang ipagpatuloy ang laban para sa isang mas maunlad at makatarungang kinabukasan.

Sa araw na ito, sama-sama tayong magbigay-pugay sa kanilang alaala at magpakita ng taos-pusong pasasalamat sa kanilang mga nagawa para sa atin. Patuloy nating isabuhay ang diwa ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan na kanilang ipinamalas.