Makulay at makabuluhan ang naging pagdiriwang ng Concepcion LGBTQIA+ Forum 2025 na isinagawa ngayong araw sa pangunguna ng Municipal Legal Office, sa inisyatibo ni Atty. Myla Matic, ng Municipal Cooperative Development Council at sa suporta ng Lokal na Pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Noel Villanueva.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng Pride Month na may temang “Pagkilala at Pagbuo ng Kasarinlan,” layunin ng forum na kilalanin ang karapatan ng LGBTQIA+ community at palakasin ang kanilang boses sa lipunan.
Tampok sa aktibidad ang mga talakayan nina Dra. Gladys Bengco (HIV Awareness) at Atty. Socrates Padua (Legal Rights of LGBTQIA+). Nagkaroon din ng libreng legal aid, konsultasyon, at socialization with team building upang patibayin ang samahan ng mga kalahok.
Dumalo rin at sumuporta si SB Sein Gomez, Chairperson ng Committee on Family, Women, and Gender Development, kasama ang iba pang kawani ng LGU, at department heads. Naroon din si Lance Castro, ang Bb. Bathaluman 2025, na nanguna sa kanyang mga kapwa kalahok sa pagtitipon.
Kasabay ng forum, isinagawa rin ang pagbubuo ng Concepcion LGBTQIA+ Organization at halalan ng mga bagong opisyal nito. Bilang pagpapakita ng pagkakaisa at pagtanggap, nagkaroon din ng motorcade mula sa munisipyo patungong plaza, kung saan isinagawa ang pagpapakulay ng Rainbow Crosswalk sa town proper.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, muling ipinakita ng LGU Concepcion ang kanilang pangako sa pagtataguyod ng inklusibong pamahalaan at pantay na pagtrato sa lahat, anuman ang kasarian, paniniwala, o pagkakakilanlan.