Isinagawa ang Coordination Meeting bilang paghahanda para sa nalalapit na First Aid Olympics 2025, na bukas para sa lahat ng mag-aaral mula sa mga pampublikong elementarya sa bayan ng Concepcion, Tarlac. Gaganapin ang paligsahan sa darating na Hulyo 29, 2025 sa Concepcion Municipal Government Center.
Pinangunahan ang pagpupulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Mr. Ronaldo Bautista, katuwang ang buong suporta ni Mayor Noel Villanueva. Nakiisa rin ang mga kinatawan mula sa bawat pampublikong elementaryang paaralan mula sa bayan ng Concepcion.
Dumalo rin si Jenny Tadena mula sa Philippine Red Cross – Tarlac Chapter, at ibinahagi niya ang mahahalagang rules and regulations kaugnay ng paligsahan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng mga aktibidad.
Layunin ng First Aid Olympics na higit pang palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga kabataan pagdating sa pagbibigay ng paunang lunas sa oras ng sakuna o aksidente. Nilalayon din nitong maihanda sila bilang mga responsableng mamamayan na laging handang tumulong sa kanilang kapwa at sa buong komunidad anumang oras.