CONCEPCION, Tarlac (June 12, 2025) – Ipinagdiwang ngayong umaga ng bayan ng Concepcion ang ika-127 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon sa bagong Concepcion Municipal Government Center. Ang paggunita, na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng komunidad.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, kasapi ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at iba’t ibang socio-civic organizations sa bayan.
Ang programa ay nagbukas sa isang welcome address mula kay mula kay Municipal Legal Officer Atty. Myla Matic, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng araw na ito sa kasaysayan ng bansa. Kasunod nito, nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Mayor Noel Villanueva, Councilor SB Sein Gomez at Councilor Calvin Sardia. Ang kanilang mga mensahe ay nagpaalala sa mga sakripisyo ng mga bayani na nagbigay-daan sa kalayaan na tinatamasa ngayon ng bansa, at naghikayat sa pagkakaisa tungo sa isang maunlad na kinabukasan.
Sumaksi rin sa selebrasyon sina SB @Erwin James Villanueva at SB Jayson Estrada Lagman at SB-elect @Marvin Macalino.
Isang makulay at edukasyonal na presentasyon tungkol sa ebolusyon ng watawat ng Pilipinas ang humanga sa mga manonood, nagpapaalala sa mga simbolismo at kasaysayan nito.
“At ang kasaysayan, ay hindi lamang binubuo ng mga bayani ng nakaraan. Kasaysayan ang ginagawa natin ngayon sa bawat mabuting gawa, sa bawat tamang desisyon, sa bawat pakikiisa para sa ikabubuti ng nakararami.
”Kaya’t ngayong Araw ng Kalayaan, hindi lamang tayo nagdiriwang. Tayo rin ay naninindigan. Pinipili nating maging bahagi ng patuloy na pagbubuo ng isang lipunang makatarungan, maunlad, may hustisya at tunay na malaya,” ani Mayor Villanueva sa kanyang mensahe.
Sa mensahe naman ni SB Councilor Calvin Sardia binanggit niya na ang ating mga bayani ang nagbigay inspirasyon sa atin para magpursige para sa ating hinaharap.
“It is the unwavering resolve and commitment of our heroes that inspire us all as we navigate the challenges of the present and work towards a brighter future. Independence for any country epitomises a reflection on the past as much as hope for the future.
Ang pagtatapos ng seremonya ay minarkahan ng isang simbolikong pagpapakawala ng daan-daang mga lobo na may kulay pula, asul, at puti, na sumasagisag sa mga kulay ng pambansang watawat at ang diwa ng kalayaang Pilipino.
Ang makasaysayang pagdiriwang na ito sa bagong Concepcion Municipal Government Center ay nagbigay ng pagkakataon sa mga residente na sama-samang gunitain ang mahalagang araw na ito at pagtibayin ang kanilang pagmamahal sa bayan.