Isang makabuluhang araw ang naganap kaninang hapon sa Col. Jesus R. Lapus Memorial Sports Complex kung saan opisyal nang ikinasal ang 58 na magkasintahan sa Kasalang Bayan.
Pinangunahan ni Mayor Noel Villanueva ang seremonya, katuwang ang Public Employment Service Office (PESO) Concepcion sa pangunguna ni Ms. Marlene Sanchez Hipolito.
Dumalo rin sa espesyal na okasyong ito sina SB Jayson Lagman, SB Erwin James Villanueva, SB Carlo Avena, SB Calvin Sardia, Board Member Vernon Villanueva, at representatives ng PSA, na nagbigay suporta at pagbati sa mga bagong kasal.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Mayor Villanueva ang mga bagong mag-asawa na magsikap sa buhay at maging responsableng katuwang sa kanilang pamilya.
“Magsikap kayo sa buhay at gampanan niyo ang inyong mga responsibilidad, lalo na’t bubuo na kayo ng pamilya. Ipagdasal ninyo sa Panginoon ang inyong mga pangarap, dahil anumang bagay na taimtim na ipinapanalangin ay siguradong makakamit ninyo sa buhay,” sabi ni Mayor Noel.
Ang Kasalang Bayan ay isa sa mga programa ng lokal na pamahalaan na nagbibigay pagkakataon sa mga magkasintahang nais mapag-isa sa mata ng batas, nang walang pangamba sa gastusin ng isang engrandeng kasal.