Isinagawa ngayong araw ang Day 1 ng pamamahagi ng social pension para sa mga indigent senior citizens mula sa 23 barangay ng bayan ng Concepcion. Layon ng programang ito na magbigay ng tulong-pinansyal sa mga nakatatanda na hindi tumatanggap ng regular na pensyon mula sa ibang institusyon ng pamahalaan.

Ginanap ang distribusyon sa mga piling covered courts sa mga barangay ng Sta. Rita, San Nicolas Poblacion, Santiago, at Sta. Cruz, kabilang ang kanilang mga kalapit na barangay.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni Ms. Jem Centeno, katuwang ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Mr. Alberto Villanueva. Nakibahagi rin ang mga kawani ng Municipal Treasury Office upang tiyakin ang maayos at mabilis na pamamahagi ng pensyon.

Bukas naman, Mayo 20, ay nakatakdang isagawa ang Day 2 ng payout para sa natitirang 22 barangay, na magdadala sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo sa 1,350 senior citizens para sa ikalawang quarter ng taong ito.

Ang Social Pension Program ay inisyatibo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang mga lokal na pamahalaan, upang suportahan ang mga indigent senior citizens sa kanilang pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, gamot, at iba pang gastusin.

Sa pamamagitan nito, muling ipinapamalas ng Pamahalaang Bayan ng Concepcion sa pangunguna ni Mayor Noel Villanueva ang tunay na malasakit para sa kapakanan ng ating mga nakatatanda.

#AksyonConcepcion

#ConcepcionTarlac